Pagiging Single. Aminin mo, masaya maging single. Tama ako hindi ba? Alam ko, maraming makaka-relate sa’kin tungkol dito, kasi ako mismo, single ako. Hindi nagmamadali, hindi naiinip, hindi rin naghahanap. Pero bakit nga ba masaya maging single? Masaya siguro kasi wala kang iniisip o iisipin na kahit ano o kahit sino. Hindi ko sinasabing hindi masaya ang magkaroon ng karelasyon o yung maituturing mong ‘special someone’ mo, pero kasi minsan, may mga tao talagang mas pinipili na lang muna nila ang mag-isa pansamantala. Kapag single ka kasi, walang mga dagdag kargo na mga bagay-bagay sa utak mo. Wala kang iisiping month-saries or anniversaries, wala ka rin syempreng iisipin kung anong klaseng regalo ba ang dapat mong ibigay o dapat mong ihanda. Wala kang kailangang i-text o tawagan para mag-update kung anong ginagawa mo sa mga oras na ‘yun. Walang korning tawagan o yung ‘terms of endearment’. Walang misunderstandings tungkol sa mga maliliit at mabababaw na bagay. Wala ring selosang magaganap dahil lang sa isang taong hindi naman dapat pagselosan talaga at hindi mo kailangang mag-ingat sa mga gagawin mo dahil baka ka mahuli kung may ginagawa kang kalokohan. Pero syempre, hindi lang naman ‘yan ang meron kapag nasa isang relationship ka hindi ba? Yung mga tinukoy ko kanina ay yung mga masasabi kong, hindi naman talaga dapat pinag-aaksayahan ng panahon ng dalawang taong nagmamahalan. Sa totoo lang, masaya maging single, pero kahit papano, naiinggit pa rin naman kami sa mga taong ‘in a relationship’ ang status nila.
Oo nga’t masarap maging single, totoo naman ‘yun. Pero kahit minsan naman, sa oras na makakita kami ng mga kaibigan namin o kahit sinoman na masaya rin kasama ang mga taong mahal nila, may kurot sa puso pa rin kaming nararamdaman, konting inggit, konting panghihinayang. ‘Yun bang napapabulong na lang kami sa hangin na, ‘Kailan kaya ako magiging katulad niya?’ Kahit na masaya kami, hindi pa rin namin syempre mapigilan na mag-isip, na mainggit, na masabing, ‘Sana ako rin’. Andyan yung mapapaisip na sana may isang taong yayakap nang mahigpit at hahalik sa’kin at ipaparamdam niyang ako lang ang nag-iisang taong mahal niya maliban sa pamilya at mga kaibigan niya. Yung mga tingin at ngiting kahit sa ganung paraan lang ay nagkakaintindihan na. Yung ‘kilig’ na totoo na, yung kinikilig ka kasi may taong nagpapakilig na sa’yo talaga. Yung pwede kang lumakad kasama siya, taas-noo’t ipinagmamalaki mo, siya ang taong mahal ko. Pero higit sa lahat ng ito, ‘yun bang simpleng may masasabi lang akong kasama ko, kakampi ko at karamay ko. Kung titingnan niyo, masaya rin naman talaga ang maging ‘in a relationship’ ka, pero sadyang may mga tao talang mas pinipiling maging single sila. Siguro, oras nila ‘yun para ayusin at baguhin ang mga nakaraang pinagdaanan nila. Paghahanda kungbaga, sa mga bagong taong darating at susubukang pumasok sa buhay nila. Single man o ‘in a relationship’, kanya-kanyang desisyon lang naman ‘yan. Kung sa tingin mo dun ka magiging masaya, doon ka. Pero sa totoo lang, oo nga’t masaya maging single kaya lang, kapag dumarating ka na sa puntong naiiwan ka na at nakikita mong may kasama na ang bawat isa, hindi mo pa rin naman mapipigilang makita mo ang sarili mong mag-isa ka hindi ba?
05.07.11